Base sa resulta ng isinagawang dry run ng iba’t ibang learning delivery modalities noong Agosto 3-7,napagkaisahan ng paaralan na ihain sa darating na pasukan ang blended learning .
Ito ang kinumpirma ni Punongguro Laila A. Taguinod sa kaniyang pakikipagdiyalogo kay Mayor Joseph Christian Uy at mga school heads sa bayan ng Aurora at pakikipagpulong sa mga opisyales ng barangay at Sangguniang Kabataan ngayong araw.
Ayon kay Taguinod, pinaghalong Radio-based instruction (RBI) at modular distance learning ang ipatutupad na sasamahan ng online learning para sa mga batang may kakayahang kumonekta sa internet.
“Ginagawa natin ang lahat para sa mga bata. Lahat ng paghahandang ginagawa ng ating paaralan ay para maipagpatuloy ang pagpapaabot ng de-kalidad na edukasyon para sa lahat,” dagdag pa niya.
Nagpasalamat din siya sa patuloy na pakikipagtulungan ng Local Government Unit, mga opisyales ng barangay at Sangguniang Kabataan sa lahat ng programa ng paaralan.
Nagpaabot naman ng pakikiisa at suporta si Mayor Uy at mga barangay at SK officials sa mga inisiyatibong isinasagawa ng paaralan para maipagpatuloy ang edukasyon sa kabila ng pandemya.
Samantala, bilang pakikiisa sa programang Brigada Eskwela, nagbigay ang Rotary Club of Cauayan sa pangunguna ni President Sheila Caleon ng donasyong 125 reams na bond paper na magagamit ng paaralan para sa pag-iimprenta ng mga modules at learning activity sheets.






Leave a comment